Sa isang panayam sa Harapan sa ABS-CBN noong Enero 31, ipinahayag ni dating Senate President Tito Sotto na isang posibleng solusyon sa patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS) ay ang pagtatag ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China. Ayon kay Sotto, mas mainam kung magsanib-puwersa ang dalawang bansa upang tapusin na ang hidwaan at mapakinabangan ang mga likas na yaman ng nasabing rehiyon.
"If I get the chance to talk to President Marcos…I will suggest that we try to come up with a co-venture with China and explore. Kaya sila mainit dyan," saad nito.
Aminado si Sotto na ang South China Sea at West Philippine Sea ay mayaman sa likas na yaman, kaya’t natural lamang na magkaroon ng interes ang China dito. "Alam naman natin kung ba't sila mainit dyan. Mayaman 'yung South China Sea, mayaman 'yung West Philippine Sea. Alam natin 'yan eh. So mag-co venture na tayo. Lahat ng sa area namin, 60-40. 60 Pilipinas, 40 kayo. O dun sa lugar ninyo, 60 kayo, 40 kami. Dapat ganun na usapan dyan eh," dagdag pa ni Sotto.
Sa kabila ng mga tensyon, tinutukoy ni Sotto ang posibilidad ng isang win-win na kasunduan sa pamamagitan ng co-venture, na magiging benepisyal para sa parehong bansa. Noong Nobyembre 2024, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nilagdaan ang Philippine Maritime Zones Act at ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, na nagpapatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa mga dagat at teritoryo nito. Ang mga hakbang na ito ay isang patunay ng malalim na pagpapahalaga ng bansa sa kanyang mga maritime entitlements, habang ipinapakita ang bukas na isipan para sa diplomatikong solusyon sa mga isyung tulad ng WPS.
0 Comments